Reports Image
Agrisync


Admin 0000-00-00

10th Regional Organic Agriculture Congress, idinaos sa Marinduque

Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka MIMAROPA – Organic Agriculture Program, katuwang ang Provincial Agriculture Office ng Marinduque, ang 10th Regional Organic Agriculture Congress (ROAC) na may temang “Kabuhayang OA, Kinabukasang OK: PGS pinalakas para sa Bagong Pilipinas” noong ika-16 hanggang 18 ng Abril, taong kasalukuyan. Layunin ng tema na hikayatin ang mga magsasaka, tagapagtaguyod ng organikong pagsasaka na mag-apply sa Participatory Guarantee System (PGS) na kung saan ito ay alternatibong sistema ng sertipikasyon na mula mismo sa mga practitioner ng organikong agrikultura. Tinalakay sa tatlong araw (3) na aktibidad ang mga karanasan, kasanayan, at mga bagong teknolohiya sa larangan ng organikong pagsasaka upang maibahagi at matutunan ng bawat isa at ma-adopt rin sa kani-kanilang probinsya. Naging pagkakataon din ito upang magpalitan ng mga makabuluhang ideya, inobasyon, obserbasyon, at makabagong pananaw sa organikong pagasasaka ang mga kalahok. Sa pamamagitan rin nito naipakilala ng mga kalahok ang kanilang mga organikong produkto, natulungan sila na palawakin ang kanilang network, at natuto sa kahalagahan ng market linkage. Ang ROAC ay dinaluhan ng iba’t ibang organic agriculture stakeholders, practitioners, magsasaka, local government unit, non-government organization, at mga mamamayang interisado sa organikong pagsasaka mula sa limang (5) probinsya ng MIMAROPA. “Ito na ang pagkakataon upang maipakita natin sa kanila kung ano ang kahalagahan ng organic agriculture upang sa ganoon ay mabigyan nila tayo ng suporta hindi lang sa mga batas kundi pati sa ating budget upang patuloy na maisulong ang organic agriculture,” pahayag ni Regional Organic Agriculture Focal Person Michael Graciano Iledan. Ibinahagi naman ni Gng. Lea Derequito na kinatawan ni National Organic Agriculture Program Director Bernadette San Juan ang mga kahalagahan ng organikong pagsasaka. Kabilang dito ang: pagiging self sufficient ng bansa upang hindi na umasa sa importasyon; pagpapalakas ng PGS upang makalaban ang ating mga pang-export na produkto; paggamit ng sariling resources upang makabawas sa gastos sa pagsasaka; maprotekta sa kapaligiran; at maisulong ang ligtas at masustansyang pagkain para sa lahat. Muli namang pinaalala ni Regional Technical Director Dr. Celso Olido, kinatawan ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, ang kahalagahan ng clustering at consolidation ng mga organikong magsasaka upang magkaroon ng tuloy-tuloy na suplay sa institutional market at magkaroon ng magandang merkado ng kanilang organikong produkto.