Reports Image
Agrisync


Admin 2024-05-08

Dalawang Onion Cold Storage Facilities, sisimulan nang itayo sa Oriental and Occidental Mindoro

Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka – Rehiyong MIMAROPA ng ground breaking ceremony ng itatayong Onion Cold Storage Facilities sa dalawang (2) munisipalidad sa probinsya ng Mindoro noong ika-11 ng Abril 2024. Unang ginanap ang seremonya sa Brgy. Poblacion, Bulalacao, Oriental Mindoro na kung saan ang benepisyaryo ay ang Bulalacao Development Cooperative (BUDECO). Sumunod itong isinagawa sa Brgy. Magbay, San Jose, Occidental Mindoro para sa Kaagapay Kilusang Bayang Tagapagpaunlad Multi-purpose Cooperative (KAAKIBAT MPC). Ang dalawang (2) pasilidad na parehong nagkakahalaga ng Php 40 milyon ay mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP). Ito ay may kakayahang mag-imbak ng sibuyas na hanggang 20,000 bags o may katumbas na 540 metric tons. Bawat pasilidad ay may sukat na 18m(lapad)x41.5m(haba)x6.3m(taas). Nahahati ito sa apat (4) na division na kung saan may dalawang kwarto para sa imbakan na may kapasidad na 10,000 bags ang bawat isa, opisina para sa mga transaksyon, machine room, at loading area. Ito ay nakatakdang itayo sa loob ng 240 calendar days o walong (8) buwan. Ayon kay HVCDP Focal Person Renie Madriaga, ang pasilidad ay napakalaking tulong hindi lamang sa mga miyembro ng kooperatiba ngunit pati na rin sa lahat ng magsasaka ng sibuyas. “Ito na ang sagot sa mga kinakaharap nating problema tulad ng mababang farmgate price, pwede na tayong maglagak ng ani nating sibuyas sa cold storage hanggang walong (8) buwan. Sana magamit ito ng tama at maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat isa,” dagdag niya. Sa pamamagitan ng pag-iimbak sa pasilidad ay mapapanatili nito ang kalidad, mapapahaba ang shelf-life, at maiiwasan ang mabilis na pagkasira ng mga aning sibuyas ng mga magsasaka sa probinsya. Ipinaabot naman ng Agricultural Program Coordinating Officers, na kinatawan ni Regional Executive Director, Atty. Christopher R. Bañas, na sina APCO-Oriental Mindoro Artemio D. Casareno at APCO-Occidental Mindoro Eddie Buen ang kanilang mainit na pagbati sa mga benepisyaryo ng pasilidad. “Kulang na kulang ang cold storage dito sa probinsya [Occidental Mindoro] kasi pagdating ng anihan halos lahat ng pasilidad dito ay umaapaw at hindi na ma-accommodate ang ibang magsasaka. Kaya sana ito ay iyong magamit ng tama, mapakinabangan, at lahat ng members ay matulungan,” sabi ni APCO Buen. Samantala, nagpasalamat naman ang mga miyembro ng bawat kooperatiba sa kagawaran at sa Local Government Unit sa lahat ng tulong at intervention na ibinababa sa kanila. Malaki naman ang pasasalamat ni Chairman Ramon Silverio ng KAAKIBAT MPC sa pagkakaroon nila ng ganitong biyaya. Ayon sa kanya, talagang bumagsak ang kanilang kooperatiba pagdating sa pagsasaka ng sibuyas ngunit hindi sila nawalan ng pag-asa bagkus ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya at ngayon ay nakabili na sila ng 1.7 ektaryang lupain na tatayuan ng nasabing pasilidad. “Naiiyak ako sa tuwa dahil sa pagkakaloob sa amin ng napakalaking halagang cold storage na ito,” dagdag ni Chairman Silverio. Ipinahayag rin ni San Jose. Occi. Mindoro Municipal Agriculturist Romel Calingasan na ang kanilang lugar ang isa sa may pinakamalawak na taniman ng sibuyas sa buong bansa kung kaya labis ang kanyang pasasalamat sa kagawaran dahil hindi na kailangan pang lumabas ang mga magsasaka para pansamantalang ilagak ang kanilang mga ani. Siniguro naman ni Engr. Prince Jonnel D. Falla, Design Engineer mula sa Regional Agriculture and Engineering Division ng kagawaran, na magsasagawa sila ng close monitoring habang ginagawa ang proyekto upang masunod ang lahat ng nakasaad sa proyekto at masigurong magigigng maayos at matibay ang pagkakagawa ng pasilidad. Dinaluhan din ang seremonya sa Bulacacao, Oriental Mindoro sina Cong. Alfonso Umali, Jr. Municipal Mayor Ernilo C. Villas, Provincial Agriculturist Christine Pine, Municipal Agriculturist Rommel De Guzman, at iba pang miyembro ng kooperatiba sa pangunguna ni Chairperson Dyna Krissle Cantos. Dumalo naman sa San Jose, Occidental Mindoro sina Municipal Mayor Atty. Rey Ladaga, Ryan Satoquia na kinatawan ni Cong. Leody Tariella, Luz Yadao na kinatawan ni Gov. Eduardo Gadiano, mga miyembro ng kooperatiba, at iba pang opisyales ng pamahalaang lokal.